Wednesday, February 26, 2014

34 na Ako

Maniwala ka man o hindi.
Madalas pa rin akong hinahanapan ng ID dito lalo na kung pumupunta ako sa bar o casino (hindi ako nag-cacasino, may restaurant din kasi doon). Dahil bawal pumasok ang 18 y/o pababa.
Kapag inabot ko na ang drivers licence ko, nagdududa na ang guwardiya kung kamukha ko nga ang nasa ID. Sabay sabi, "is this really you?", "you look 16!". (salamat sa compliment manong guard!).
Matured kasi tignan ang mga puti, di tulad nating mga asyano na nakakadaya ang hitsura sa edad. Palibhasa mahilig ang mga puti na magbilad sa araw (magpa-tan o sun-bathing). Na ang sun-damage sa balat ay madaling nakakapagpatanda at nakaka-wrinkles.

Trenta-y-kwatro na ako. Ngunit sumang-ayon ka man sa akin o hindi, ay talagang hindi halata. Kahit sa bus o train o sa pagbili ng ticket sa anumang event dito, ang unang tanong agad sa akin ay nasaan ang aking student ID, para sa discount.

Habang ang mga kasabayan ko, karamihan sa kanila ay may kanya-kaya ng pamilya at may 2-3 anak. Heto ako at single pa rin. Silang may mga pamilya na na napako sa kung saan sila ngayon, samantalang ako, kung saan-saang lugar na nakarating. Habang karamihan sa kanila'y nagsisitabaan na, ehem... nananatili ako sa timbang ko (nasa genes yan!). Silang hindi na magkanda-ugaga sa pag-aasikaso ng mga anak, ako na tila walang iniintindi kundi ang sarili, matulog ng hanggang kung ilang oras ko gusto, umuwi ng bahay sa kahit anong oras ng gabi o maglakwatsa to sawa.

Single pa rin ako pero hindi ibig sabihin na sarili ko lang ang responsibilidad ko. Nag-iisa akong anak, kaya ako bumubuhay sa mga magulang ko. Habang ang mga may pamilya ay may katuwang sa kanilang mga gastusin, ako ay ako lahat-lahat, wala ng iba pa. Wala akong ibang aasahan para bayaran ang mga bills ko, o bigyan ako ng pang-shopping o bumili para sa akin ng airline ticket o manglibre ng sine. Ang akala kasi ng karamihan, masarap ang buhay single dahil sa nagagawa ang kung anuman ang naisin. Tama nga naman iyon, hindi ko kailangan humingi ng permiso sa kung sino mang Poncio Pilato para bilhin ang isang bagay, maglakbay sa isang lugar o umuwi ng dis-oras ng gabi. Ganunpaman, may mga pagkakataon na mahirap para single na tulad ko kapag may mga panahong kailangan mo ng makakahati sana sa gastos, o sa mga problema na kung may katuwang ay mas magaan dalhin.

Sa tinatakbo ng buhay ko ngayon, kiber lang sa mga pakialamero at pakialamera na mga taong nag-uurirat kung bakit single pa rin ako at hindi pa ko mag-asawa. (Una, wala naman silang naitutulong sa akin. Pangalawa, hindi nila buhay ang buhay ko. At pangatlo, hindi nila ako pinapakain para bigyan sila ng karapatan na diktahan ako ng dapat kong gawin sa buhay ko). Masaya ako at wala akong nasasaktan na mga tao, yun ang mahalaga sa akin ngayon. Kung panaing muli  ni Kupido ang puso ko, handa na ako sa isang panibagong pag-ibig. Ngunit sa ngayon, habang naghihintay, nais kong gawing mas kapaki-pakinabang ang aking panahon sa marami pang bagay na nais kong makamit at mga lugar na nais ko pang marating.




Salamat Panginoon ay sa isang taon na nadagdag sa aking buhay at sa mga biyayang patuloy Ninyong binibigay sa akin.


No comments:

Post a Comment



Free counters!