Unang araw ng Agosto.
Ang sabi ng boss humihingi ang isang departamento ng apat na tao mula sa lab para tumulong sa kanila. Nag-boluntaryo ako.
Una akong nakapagtrabaho sa isang manufacturing company sa Cabuyao, Laguna. Halos isang buwan matapos maka-graduate, tinawagan ako ng kaklase ko at sinabihang mag-apply sa pinapasukan nya. Tumagal din ako doon ng isang taon.
Halos tatlong buwan akong natambay sa bahay. Suki ng classified ads ng Manila Bulletin kada linggo. Iniisa-isa ang lahat ng mga nakalistang job hiring.
Bumanat ang pagkakataon. Dinala ako sa Pasig. Sa isang flour milling company.
Matapos ang isang taon, sinubukan kong magpaalam kung pwede akong magbalik-eskwela. Ipagpapatuloy ang natapos ko sa pagiging isang inhinyera. Hindi ako napahiya sa boss ko, pinagbigyan ang hiling ko na hindi ko kukunin ang afternoon shift para makapasok ako ng evening class.
Hindi biro ang mga panahong iyon para sa akin, full time ako sa trabaho at full load ako sa eskwela. Maganda lang at nakatira ako sa mga magulang ko at hindi ko na kailangang intindihin kung may luto ng pagkain pag-uwi ko ng bahay o paggising ko.
Plantsado na ang plano ko: karirin ang pagiging working student.
Kampante na ako kahit pa halos tatlo hanggang limang oras lang ang tulog ko sa araw-araw. Ngunit umeksenang muli ang pagkakataon. Mid-term na ng may natanggap akong sulat mula sa isang kumpanya sa Bataan.
Hindi ko ito pinansin dahil nga desidido ako na tapusin ang inumpisahan kong pagbabalik eskwela. Minsan habang gumagawa ako ng assignment, nahulog ang sulat na nakaipit sa isa sa mga libro ko. Muli ko itong binasa. Isang buwan na ang nakalipa mula ng matanggap ko ang sulat. Ang isip ko noon sigurado ng mayroon na sa mga ka-batch mates ko ang nag-apply at natanggap.
Tila malakas ang pagkatok ng pagkakataon noon sa akin, nagpadala ako ng resume. Isang linggo ang lumipas at nakatanggap ako ng tawag na nagschedule sa akin para sa isang job interview.
Taong 1999, ng una akong pumunta ng Bataan para sa isang job interview ng isang kumpanya na dumayo noon sa aming paaralan para mag-hire ng kanilang mga tauhan. Mula sa higit sandaang mag-aaral na nag-exam, nakasama ako sa top 20 na pumasa. Apat kaming magkakaklase na na-interview, ngunit isa
lang ang kukunin. Hindi ko nakuha ang trabaho.
Tinawagan akong muli ng kumpanyang iyon matapos ang isang taon at muli akong sumalang sa written exam at muling nakapasa. Kasama ko pa noon si Papa sa Bataan para sa job interview, na naghintay ng halos tatlong oras
sa labas ng planta. Unang apak ko sa Bataan, sablay.
Hindi pa daw ako para sa Bataan.
Nagbalik ang alaalang iyon. Ang pagkakataon tila nagbibiro sa pagbibigay nitong muli ng isang trabaho, sa Bataan ulit.
2002 ng magsimula akong magtrabaho sa Bataan. At ang pagbibiro ng pagkakataon, ang naunang kumpanyang pinuntahan ko noon sa Bataan ay kapitbahay lang ng kumpanya kung saan natanggap ako.
Sabi ng pagkakataon, oras na para mapunta ka sa Bataan.
Mag-uumpisa ako bukas sa bagong departamento. Bagong kaalaman, bagong kakayahan. Ganunpaman, ang pagkakataon na dapat pag-isipan ay isang malaking alalahanin.
Hindi ko alam kung saan ako ngayon dadalhin ng pagkakataong ito. At kung dati ay sige lang ng sige kahit saan pa mapadpad, ngayon ay may kaba at pangambang nararamdaman.
Ang pagkakataon dumarating sa pinaka-di-inaasang panahon.
No comments:
Post a Comment