Para akong isang batang nakamit ang pinakamimithing laruan.
Na sa pag-abot ay niyakap ito ng buong higpit.
Ng buong puso.
Ng Buong pagkatao.
Walang makakaagaw.
Walang sinumang makakakuha.
Wala.
Nasa plano ko na mag-asawa sa edad na 30. Meron akong karelasyon noon kaya sigurado akong matutupad iyon. Isa pa, napag-usapan na rin namin. 28 y/o ako noon.
Ngayon 31 na ako. Walang Mrs. sa unahan ng pangalan ko at hindi nagbago ang apelyido ko. Kung anuman ang nangyari sa panahong nagdaan? pinag-abroad ako ng tadhana.
Hindi ako naniniwala sa mga pangyayaring nagkataon lamang.
Ang lahat ng pangyayari ay may dahilan, may purpose. Hindi man malinaw sa umpisa ngunit mauunawaan din sa tinakdang panahon.
Oo, aaminin kong hindi ko naiintidihan ang mga pangyayari sa buhay ko ngayon. Ginulantang ako ng pagkakataon na mangibang bansa. Dahil ang buong isip ko magiging isa akong maybahay. Nakalimutan ko, dapat pala dalawa kaming nagpa-plano nun.
Hindi ko naiintindihan kung bakit umalis ako, ang alam ko lang dun ako tinutulak ng panahon. Wala namang pumigil sa kin. May isang tao akong tinanong kung... Gusto kong pigilan nya ko, pero wala akong narinig ng kahit na ano.
Higit isang taon ang lumipas. Isang taong nagmamakaawa sa pagkakataon, maunawaan ko na sana ang lahat. Ngunit parang kahapon lang. Puno pa rin ng luha. Wala pa ring narinig.
Para akong isang batang nakamit ang pinakamimithing laruan.
Niyakap ito ng buong higpit.
Ng buong puso.
Ng buong pagkatao.
Nakatakda iyong mangyari.
At hindi ko naiintindihan kung bakit.
Nagsimula ang taong 2011 ko ng lumuluha. Magtatapos din kaya sa pagluha?
At sa papasok na bagong taon, kailangan na bang tuluyang lumayo?
Mornyt
No comments:
Post a Comment