Wednesday, July 10, 2013

Ang Araw Ng Hatol

Parang  panahon ng Semana Santa.
Tahimik na nagsimula ang lahat sa pagtatrabaho. Walang maagang biruan, walang kulitan. Hanggang binuksan ko ang radyo para mabulabog ang katahimikan.

Ngayon na ang araw. Lahat nagkakanya-kanya ng paghahanap ng sulok na makahinga ng malalim at maitago ang mga nangingilid na luha.

Tahimik na lumapit ang bisor at inakbayan ang isang kasama...

Ayun na, hindi na mapigilan ang pagbagsak ng mga luha. Ang aming kasamahang intsik ang ikatlo sa mawawala sa amin. Nauna ng nagboluntaryo ang kasamahang puti at magpapalipat naman ang isa pa.

Hindi ako lumabas sa isang kwarto at hindi naharap ang kasamahang nagpaalam. Nanginginig ang buo kong katawan. Malapit kase sya sa akin at sa aming grupo sya kabilang. Pinigilan ang sarili at nakuntento na lang na dungawin sya sa bintana habang paalis ng aming building.

Pinatay na ang radyo. Walang lumalapit sa isa't-isa, tila nirerespeto ang hinihinging espasyo ng pagkakataon.

Dumating ang oras ng pagpapalitan ng ka-trabaho. Walang kulitan o palitan ng masasayang kwento, bagkus tahimik na nag-eendorso ng mga kailangang tapusin. Sa isang sulok nagtipon-tipon ang lahat, naghihintay ng kung sino ang susunod na lalapitan ng bisor.

Ilang minuto pa, pumasok sya, at umiiyak na. Lahat nakayuko. Bakas sa kanyang mukha ang di inaasahang susunod na kanyang tatawagin. Walang umiimik. Nakasandal ako sa isang lamesa, pinagmamasdan ang lahat at nakikinig sa mga hikbi.

Bigla nyang niyakap ang kasamang Pinoy na nasa harapan ko. Ang mga hikbi ay naging hagulgol.

Hinintay matapos ang pakikipag-usap sa mga nakatataas at ang pagbabalik nya sa lab upang magpaalam. Pagpasok nya sa pinto, dinumog na sya ng mga labbies. Tila naging tuod na ako sa aking kintatayuan. Nilapitan nya ako at niyakap. Mahigpit na yakap. Para sa isang padre de pamilya na buong sipag na tinataguyod ang kanyang pamilya.

Tila nakisama ang haring araw at hindi ito nagsabog ng lupit ng kanyang liwanag. Ang mga madidilim na ulap ang tumabon dito at nagbagsak ng mga luha.

Kailangan ng ibayong paghahanda para sa susunod pang bugso nito.

Para sa mga kaibigan na nakasama sa trabaho, dalangin ang pagbubukas ng mga bagong oportunidad sa buhay at hanggang sa muling pagkikita.





No comments:

Post a Comment



Free counters!