Friday, September 14, 2012

Musta?

Nakausap ko ang isang kaibigan.
Nagtatanong ng ilang mga bagay tungkol sa mga makukuha kapag nagresign. Malapit na rin kasi syang mangibang bansa.
Nabanggit nyang ikaw na ang inihahandang kapalit para sa isa pa ring nakatakdang umalis. Nasabi ko na lang mahaba naman ang iyong pasensya.
Natutuwa ako para sa'yo. Kayang-kaya mo naman ang bagong responsibilidad. Yun nga lang ibang bagsik ng pasensya at lawak ng pang-unawa ang kailangan.
Naalala mo ba ng minsan nating mapag-usapan, kung halimbawang ako ang iyong bisor at ikaw ang aking kanang kamay? Nagtawanan lang tayong dalawa. Hindi malabong mangyari yun kung nasa Pinas pa rin ako ngayon.
Masaya ako para sa'yo. Masaya ako at nakita nila ang husay mo sa trabaho, ang pakikisama mo sa ka-trabaho at ikaw bilang mamumuno.
Nais kong marining ang mga kwento mo, ang mga nakakatawa, nakakainis at ang mga di mo maintindihang sitwasyon. Ang mga bagong karanasan para sa iyong bagong posisyon. Ang mga opinyon mo. Ang logic mo. Mas seryoso ka ba ngayon? Mas di na ngumingiti pag pasok sa trabaho? Mas suplado na ba? Mas stress? Busy? Mahirap ba? Share mo naman. Makikinig ako.

Higit sa lahat nais kong marinig ang boses mo.
Musta?
Sana kahit paminsan, sumasagi pa rin ako sa isip mo.

No comments:

Post a Comment



Free counters!