Ilang oras ng nag-eempake. Hindi mapakali, dahil maya't maya tumutunog ang mobile phone.
"Tapos ka ng mag-empake?"
"Hindi pa".
"Talaga bang 20kilos lang pwede?"
"Oo, mahal ang bayad pag sumobra ka".
"Huhu! Dami ko ng inalis sa bagahe ko sobra pa din!".
..............
Di namalayan ang nagmamasid sa may hagdan.
"O anak mag-milo ka muna".
"Salamat Ma!".
Umupo sa dulo ng kama, di kumikibo, tahimik na tumulong maglagay ng mga damit sa luggage.
Napatigil.
Di na napigilang lumuha.
"Hindi ka na ba mapipigilan, Anak?. Hindi mo naman kailangan mag-abroad, okay naman tayo dito nina Papa mo".
Walang imik, patuloy lang ang pagluha.
"Hindi ba may plano na kayo ni (?), ano bang sabi nya?".
"Ok lang naman sa kanya umalis ako. Plano? Di ko na po alam mga plano nya eh".
"Bakit? hindi na ba kayo nag-uusap? Hindi ba mahirap yun, mas malayo na kayo sa isa't-isa?".
"Bahala na lang po".
"Ikaw naman, ganyan ka talaga, ang maisipan mong gawin, ginagawa mo. Di ka napipigilan. Nung natanggap ka sa Bataan, sabi namin ni Papa mo, ang layo mo na. Eh ngayon Australia na, mas lumayo pa. Pero bongga ka Anak, ha!".
"Baka pang-foreigner ang beauty mo!".
Nagtawanan.
"Basta Anak, huwag mong papabayaan ang sarili mo dun, huwag mo kaming alalahanin ni Papa mo dito. May Milo kaya dun?".
"Ano ka ba Ma, ganda na ng linya mo eh!".
"Aba Anak, ilang gabi na kong umiiyak, tama naman na, magtitira ako para sa airport bukas!".
"Payakap nga, Anak!".
-------------------------------------------
Isang taon na ang nakalipas.
Parang kahapon lang.
Huli kitang nakasama.
Bakit kailangang umalis?
Isang tanong na hanggang ngayon hindi ko mahanapan ng sagot.
Tadhana siguro.
Kailangang umalis.
Dahil yun ang tama?
Dahil yun ang dapat?
Sa bawat araw na lumipas,
Walang sandali na hiniling
Na sana hinahanap mo din ako.
Na sana sumasagi pa din ako sa isip mo.
Na sana naramdaman mong mahalaga ka sa buhay ko.
Siguro nga
Kailangang umalis
Dahil yun ang tama.
Dahil yun ang dapat.
Nov. 03, 2010, NAIA Terminal 1. Bound to Brisbane, Queensland Australia |
No comments:
Post a Comment