Friday, July 05, 2013

Redundancy pt.2

Noong Nobyembre, ang unang bugso ng redundancy.
Mahigit sampu na ang nawala.

Noong isang linggo ina-nounce na ang ikalawang bugso, labingdalawa ang mawawalan ng trabaho.

Kaninang tanghali, kinausap kami ng aming Bore Core Manager, sinabi na kung ilan ang sa aming departamento ang matatanggal, apat. Dalawampu kami.

May iyakan na kanina.

Taong 2008 nag-boom ang mining industry dito sa Australia, yun ang taon ng aplikasyon ko. Sinabayan naman yun ng taon ng krisis sa ekonomiya ng lahat ng mga bansa, "recession", ika nga. Sa dalawamput limang natanggap, sampu na lang ang tuluyang nakaalis papuntang Australia. Kasama ako sa mga naiwan sa Pinas.

Lumipas ang dalawang taon, muling sumigla ang sektor ng pagmimina. Heo na nga at muling tinawag ang mga naiwan noong 2008, kabilang na ako doon.

Kulang ang workforce ng bansang Australia noon kaya marami ang mga foreign skilled workers ang kanilang kinukuha. Ang forecast ng kanilang mining industry ay higit sa inaakala pang biglang pagtaas ng demand sa buong mundo. Naramdaman naman namin iyon. Dahil ang mga unang buwan namin ay bugbog sa overtime dahil sa kabi-kabilang deadlines. Ganundin naman ang palitan ng AUD sa PHP ay mataas pa kaysa sa USD.

Unti-unting humina ang sektor ng pagmimina noong nakaraang taon. At naramdaman na nga namin ng magsimula ng magkaroon ng redundancies o pagbabawas ng mga tauhan ang kumpanya.

Alam naman na mataas ang racism dito sa Australia. At di maiiwasan na masilip kaming mga Filipino dito sa trabaho, dahil kung titingnan sa dalawampung tao sa lab, tatlo lang ang puti, isang intsik, isang Hungarian, at isang Sri-Lankan. Dominated namin ang departamento.

Lahat nangangamba, walang safe, sabi nga ng aming Pinoy na bisor, dahil nung sa unang pagkakataon, ang aming mismong Department Manager ang natanggal.

Sa miyerkules ang baba ng hatol kung sino sa amin ang masasabihan ng 'goodbye you are the weakest link'.

Ilang araw pa ng pangamba para sa lahat.

Dasal po para sa katatagan ng loob at tiwala na ang mangyayari ay para sa ikabubuti.






No comments:

Post a Comment



Free counters!