Sinalubong ako ng winter breeze, 10 deg Celsius.
Alas-sais y medya ng umaga ng lumapag ang eroplano sa Brisbane International Airport. Mas maaga ng tatlumpung minuto sa naka-schedule na arrival time.
Nanlalambot ako dahil hindi ako nakakain ng husto sa buong flight, biyernes ng gabi pa lang humilab na ang tyan ko. Uminom ng Diatabs. Nakatulog naman kahit apat na oras lang. Sabado ng umaga pagka-almusal, dumaing na ako kay Mama, masakit pa rin ang tyan ko. Pinainom naman ako ng Imodium. Nahiga ako sa sofa at nakatulog ulit, ginising ako para managhalian. May pansit at lechon kawali. Wala akong ganang kumain, nakatatlong subo lang ako at tumayo na ako at parang isusuka ko lang din. Pinainom ulit ako ng gamot, Lomotil naman. Gusto ko pang mahiga ulit ngunit dalawang oras na lang at aalis na kami papuntang airport.
Hindi na ako nakakain sa airport habang naghihintay ng flight, pakiramdam ko isusuka ko lang din. Hanggang ang mga pagkain sa eroplano ay puro tikim lang ang ginawa ko. Malamig sa eroplano pero pinagpapawisan ako. Ang byahe ko, mula Maynila hanggang Singapore ay mahigit tatlong oras at na-delay pa ng isang oras. Ang Singapore Airport na pagkalaki-laki ay naging parusa para sa paghahabol ng susunod kong flight. Lima na lang kaming hinihintay na pasahero para sa Singapore to Brisbane flight.
Pagod na pagod na ang pakiramdam ko ng makaupo ako sa upuan eroplano. Antok na antok. At nakakaramdam na ko ng pagkahilo. Gutom na pero di ko magawang kumain ng madami dahil humihilab pa rin ang tyan ko. Nangingilid na nga ang luha ko. Hindi ko gustong makakuha ng atensyon kung tuluyang bumagsak ang luha ko kaya nagtalukbong ako ng blanket.
Ilang beses akong huminga ng malalim para pakalmahin ang nanginginig kong katawan.
Nagdasal.
Walong oras pang byahe sa mga ulap.
Pagkadating sa bahay, doon na ako sumuka.
Dalawang oras pa bago nakatulog, dahil tumawag pa sa Pilipinas, uminom ng milo, nagpunas pa ng alikabok sa kwarto at nagpalit pa ng kobre kama. Humihilab pa rin ang tyan. Deadma na lang dahil ang katawan ay bumagsak na sa kama.
No comments:
Post a Comment