Tuesday, November 06, 2012

No.1 Fans

Fans Club.
"Aba! Anak nabasa ko ang sinulat mo tungkol sa pag-sa-Saudi ko dati".

Kausap ko si Papa kagabi.

Nagulat ako dahil hindi ko naman kinukwento iyon sa kanila. (Sa bagay hindi ko naman kinukwento sa karamihan ang pagba-blogging ko, sa totoo lang lima lang yatang kaibigan ang may alam na nagsusulat ako, at sila rin ang masugid kong tagabasa).

"Ano bang dapat namin gawin para manalo ka, Anak?".

At napaiyak na ko habang kausap sya.

Mapalad ako sa pagkakaroon ng mga magulang na tulad nila. Laging naka-alalay at nagbibigay ng suporta sa kung ano mang desisyon ko sa buhay ko, maliit man o malaki ito. Hindi sila nagsabi kung anong dapat na kursong kunin ko sa kolehiyo, kung dapat ko bang tanggapin ang trabaho sa Bataan at mapalayo sa kanila at maging sa aking pangingibang bansa. Ngunit higit sa kasintahang naipakilala ko na sa kanila o makikilala pa lamang.

Kahit noong nag-aaral pa, ang mga medalya at ribbon na aking nakukuha, nalalaman na lamang nila sa imbitasyon para sa mga magulang sa tuwing pagtatapos ng school year.

Maalala ko, nung college graduation ko, nagulat sila ng tinawag ang pangalan ko para sa panunumpa ng mga magsisipagtapos. Nalaman nila Pangulo pala ako ng Graduating Class '99 namin.

At sa muling paglabas ng pangalan ko sa "limelight" matapos ang mahabang panahong pananahimik simula ng makapagtapos sa pag-aaral. Nanumbalik ang sarap ng pakiramdam na ipinagmamalaki ako ng aking mga magulang. At sa lahat ng kanilang kwento, ako ang bida.

"Alam mo Au, sina Papa at Mama mo, proud na proud sa yo!" kwento ng kapitbahay namin nung umuwi ako.

Hindi ko ipinagmamayabang ang koleksyon ng mga medalyang meron ako o mga parangal o ang pagkamit ko sa mga pangarap ko o kung ano man ang estado ng buhay ko ngayon. Ipinagmamayabang ko ang pagiging anak ng mga magulang ko.

Ang lahat ng paghihirap na tiniis, pagsusumikap sa buhay ko, ay para sa kanila.

"Tatawagan ko mga pinsan mo, at pupuntahan ko mga kumpare ko para sabihin na iboto ka, Anak".

Kung meron nga siguro akong fans club, si Mama ang Presidente at si Papa ang Adviser cum Manager.


No comments:

Post a Comment



Free counters!