Kung tatanungin ako, parang kahapon pa rin ang pakiramdam ng sa unang pagkakataon ay inihatid nila ako sa airport.
Ambilis ng panahon, ikalawang taon ko na rito sa Australia. At sa bawat araw na lumilipas, namamanghanga pa rin ako sa kung nasaan ako ngayon. Hindi pa rin ako mayaman at patuloy pa ring kumakayod at nag-iipon para sa hinaharap. Nagsusumikap na sa pagtanda ko, hindi ko na kailangang umasa sa iba para sa pambili ng aking gamot o sa pagbayad ng mga utility bills.
Dalawang taon. Ano na nga ba ang mga bagay na na-accomplish ko? May napagtapos na akong isang kolehiyo. Ang mga nahiram na pera ay naibalik na. May simula ng mailalagak para sa hiling ni Mama. Ang mga gustong bagay ni Papa ay naibigay na. At ang ilan sa mga bagay na gusto kong magkaroon, at lugar na mapuntahan ay nakamit na nga.
Ang biyaya ay bumuhos, at ang mga tao sa paligid ko ay nabahaginan nito.
Mas marami pang bagay ang nakalatag para gawin at tapusin. Minsan ang pagal kong katawan ay di na makasunod sa bilis ng agos ng panahon. Mahalagang tumigil sandali at namnamin ang bawat hininga at damhim ang bawat pag pintig ng puso. Minsa'y natatagpuan ang sariling nakatanga lang sa bintana, pinagmamasdan ang mga ibon at nakikinig sa huni nito, sabay tanong sa sarili, naalala pa kaya niya ako?...
Dalawang taon. Akala ang paglayo ang paraan.
Pinakamalupit ang unang taon. Dahil dun lang naramdaman ang hagupit ng lungkot ng maiwang mag-isa. Nang ang taong pinakaaasahan mong laging nasa tabi mo...
Nagmakaawang kausapin araw-araw. Na kahit ilang segundo lang na marinig ang boses. Na kahit isang txt lang ang ipadala, maramdaman lang...
Pagkakataon. Kay lupit mo. Dinala mo ako rito para matuto sa pinakamasakit at mahirap na paraan?
Ang apat na sulok ng silid ang saksi sa bawat luhang pumatak. Na sa bawat pagsisikap na bumangon muli. Na matutunan ang panibagong simula. Na sanayin ang sarili na iba na ang ngayon sa kahapon. Na ang panahon ay tumatakbo at ang tao ay nagbabago. At tanggapin na wala ka na sa buhay ko at tuluyan na akong lumayo.
Dalawang taon. Mornyt.... sa kabila ng lahat...
No comments:
Post a Comment